Patak-patak ng tiwala

for-the-record-jen-box jeany lacorte

Nagpaliwanag ang singer-composer at supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Jimmy Bondoc na isa sa kasalukuyang opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) hinggil sa akusasyong pondo ng gobyerno ang kanilang ginamit sa ini­lunsad na rally na “Palit-Bise, Suporta sa Presidente” noong Abril 2, 2017 sa Luneta.

Nanindigan si Bondoc na walang pondong kinuha sa gobyerno ang isinagawang rally at wala ring kinalaman ang Pa­ngulo o ibang mga politiko sa inilunsad nilang rally.

Ang bawat piso aniyang ginastos sa rally ay patak-patak ng tiwala at pag-asa ng mga tagasuporta ni Pangulong Duterte.

Iginiit pa ni Jimmy sa pamamagitan ng ipina­dalang liham sa inyong lingkod na ang kanilang inilunsad na rally ay pinondohan ng mga supporters ni Pangulong Duterte na mula sa nakalap sa “crowd funding site” na tinawag nilang “GavaGives”.

Sinabi pa ni Bondoc na nagtatag siya ng samahan o ang D.A.V.A.O. MOVEMENT (Duterte Alliance of Volunteers, Artists, and Organizations) kasama ng mga pinakamalalakas na bloggers tulad nila Mocha Uson at Atty. Bruce Rivera at nakakalap sila ng mahigit P2M para sa rally.

Ngunit dahil P1 mil­yon lamang ang ipinanawagan nilang halaga, ang sobra umano ay kanilang itinabi para sa mga susunod na rally na kanilang gagawin bilang suporta sa Pangulo, kapag kinailangang muli magsagawa ng protesta.

Handa ring ipakita ng grupo ni Bondoc ang mga resibo sa kanilang mga ginastos sa ginanap na rally.

Lahat umano ng kanilang pinagkagastusan sa nasabing anti-VP Leni rally ay may karampatang resibo, hanggang sa brown envelope, ­aniya, ng halagang P36 na ginamit sa rally.

Maging ang sobrang mahigit P1M ay available umano sa mga nais na makakita.

Idinepensa rin ng grupo ni Bondoc ang mala­king pondong nakalap na maaaring dahil umano sa pagtitiwala sa kanila ng mga supporters ni ­Pangulong Duterte.

Sinabi pa ni Bondoc na siguro ay nawalan na talaga ng tiwala ang mada­ming tao sa Bayanihan, dahil ilang dekada nang nawala ang integridad sa kultura ng politika.

Gayunman ay nanindigan ito at ang grupo na kanilang gagawin ang lahat upang maibalik ang dangal sa mga nakapali­gid sa Pangulo.

Nailatag na ni Ginoong Bondoc sa pamamagitan ng inyong lingkod ang kanilang panig at sana ay nakatulong ito para malinawan ang ibang indibidwal o grupong kumukuwes­tyon sa kanilang ginawang demonstrasyon.