Maglalabas ang Land Transportation Office (LTO) ng mas malaki, madaling mabasa at color-coded na plate number sa motorsiklo.
Ito ang nakasaad sa binagong Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa Republic Act No. 11235 o Motorcycle Crime Prevention Law na inilabas ng LTO.
Base sa bagong IRR ng `doble plaka’ law na nilagdaan ni LTO chief Edgar Galvante noong Mayo 11, kailangang kabitan ng plate number sa harapan at likod ng motorsiklo.
Metal plate ang ilalagay sa likuran ng motorsiklo na may sukat na 235mm ang lapad at 135mm ang taas. Gawa ito sa aluminum at reflectorized ang background gayundin ang mga security feature. Ang font size ng alphanumeric characters ay 600mm ang taas.
Decal plate naman ang ilalagay sa harapan ng motorsiklo. Mayroon itong 135mm na lapad at 85mm ang taas, gawa sa matibay na sticker material at reflectorized din ang alphanumeric characters at ang security features. Ang font size ng alphanumeric characters ay 40mm ang taas.
Nakasaad pa sa IRR na maaaring magbago pa ang mga specification nito.
Dapat umanong “readable” ang mga nakasulat sa plaka sa likod at harapan ng mortorsiklo sa layong 15 metro.
Magkakaroon din ng color-coding para sa mga private motorcycle, public utility motorcycle, government motorcycle, at diplomatic motorcycle.
Kailangang iparehistro sa loob ng limang araw pagkatapos bilhin ang isang motorsiklo. May parusa sa lalabag nito katulad ng pagkabilanggo o multa na hindi bababa sa P20,000.
Mahigpit na ipagbabawal bumiyahe ang mga motorsiklo na walang plate number na itinakda sa ilalim ng bagong IRR. Pagmumultahin ng hindi bababa sa P50,000 ang lalabag dito. Kapag nasita ng law enforcer ang isang lumabag na rider ay kukumpiskahin ang motorsiklo nito at dadalhin sa impounding center.
May parusa naman sa mga awtoridad na hindi ire-report sa loob ng 24 oras ang kinumpiska nilang motorsiklo sa local impounding center. Gayundin kapag may nawala o nasira sa motorsiklo ay mananagot ang law enforcer na responsable dito katulad ng pagbabayad sa may-ari o pagpapagawa ng nasira sa motorsiklo.
Kapag nasa impounding center na ang isang motorsiklo ay hindi ito puwedeng gamitin ng kahit na sino.