Patakaran sa team practice itatakda – Marcial

Sa unang pagkakataon sa loob ng halos tatlong buwan, magkikita-kita na face-to-face ang PBA board of Governors.

Magmi-meeting ang Board sa PBA office sa Libis, inaasahang darating ang mga miyembro sa pangunguna ni chairman Ricky Vargas.

Sa Miyerkoles (Hunyo 3) itinakda ang meeting.

“First time na magkikita-kita na,” balita ni commissioner Willie Marcial. “Pero ‘yung gustong through online pa rin ang attendance, puwede naman.”

Inabot ng enhanced community quarantine at bawal muna ang maglalabas dahil sa coronavirus, dalawang beses nang nag-meeting ang Board via video call mula nang suspendihin ang Philippine Cup noong March 11.

Inaasahang ibababa na ng Inter-Agency Task Force ang lockdown sa general community quarantine sa NCR pagkatapos ng May 31, puwede na ang pagkikita-kita ng maliit na grupo pero may social distancing pa rin.

“Those who are showing up in the office will observe social distancing,” paniniguro ni Marcial. “We’re meeting in our vide review room which is about 2.5 (meters) bigger than our regular conference (room) so we can strictly observe social distancing.”

Isa sa babalangkasin ng Board ang guidelines at protocols sa team practices kapag lumuwag na. Sa ilalim ng GCQ, puwede nang magbukas ang gyms pero wala pa ring 5-on-5 basketball.

“What we’re looking at eh makabalik lang for conditioning exercises ang players natin,” panapos na wika ni Marcial. “Hindi kami nagmamadali. Healthy and safety of all remain our paramount concern.” (Vladi Eduarte)