Sisimulan na raw ng pamahalaang lungsod ng Caloocan ang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa trapiko kabilang ang paggamit ng helmet o crash helmet ng mga nagmomotorsiklo.
Wala raw sisinuhin ang pamahalaang lungsod sa ipatutupad na batas. Empleyado man daw ng gobyerno o mismong mga tagapagpatupad ang batas gaya ng mga police officers, traffic enforcers ay huhulihin kapag lumabag.
Actually hindi na kailangan ng ganitong klaseng direktiba mula sa isang local government unit dahil kumbaga ay automatic nang ipatutupad sa lahat ang isang kautusan.
Pero uunawain na natin ang Caloocan City government, baka nga naman nakakalimot ang mismong mga nagpapatupad ng batas, kaya mabuti na ring napapaalalahanan.
Kung ating papansinin hindi lamang sa Caloocan City may ganitong problema na hindi patas na pagpapatupad ng batas trapiko. Kitang-kita ito sa buong Metro Manila kung saan ay makakasabayan mo sa mga pangunahing mga kalsada ang mga traffic enforcers, mga pulis, government employees na walang pakialam na nagmomotorsiklo kahit walang gamit na helmet.
Para bang porke sila ang nagpapatupad ng batas ay exempted sila sa mga ipinaiiral na batas lalo na sa mga batas-trapiko.
Kaya hindi na tayo magtataka kung bakit sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng “no travel, no helmet” policy ay marami pa rin ang nagmomotorsiklo na walang helmet.
Maaaring rason nila kung bakit ang mga traffic enforcers, pulis at ibang taga-gobyerno ay hindi sinisita dapat ganu’n din sila.
Ang leksyon sa usaping ito ay maging ehemplo dapat ang mga tagapagpatupad ng batas.
Kumbaga sumunod muna kayo sa ipinaiiral na batas para walang pag-aalinlangan mapasunod ninyo ang taumbayan.
Sa ganitong siste, nakakatiyak tayong magiging madali ang pagpapatupad ng batas at pagpapasunod sa taumbayan.