Sunod-sunod ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na busiin uli ang mga kontratang pinasok ng pamahalaan sa mga tinatawag niyang mga oligarko.
Noong 2019, pinaimbestigahan niya ang kontrata ng gobyerno sa dalawang water concessionaire ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) dahil umano sa nakaambang pagtaas nila ng singil ng tubig para mabayaran ang kanilang gastos sa pagsasaayos ng kanilang makinarya at serbisyo sa ilang agdaang taon.
Pag-aari ng mga Ayala ang Manila Water habang ang Maynilad ay isa sa mga kompanya ni Manny V. Pangilinan. Isa pang kompanya na pinag-iinitan ng Pangulo ay ang ABS-CBN ng mga Lopez dahil sa hindi pagsasaere ng kanyang election campaign material noong tumakbo siyang presidente noong 2016.
Ang tatlo ay tinuturing ni Duterte na mayayamang negosyante na dapat busisiin ang negosyo para maipakita sa mamamayang Pilipino na mas kinikilingan niya ang mga maliliit na negosyante. Ang nakapagtataka lang dito, bakit pinuntirya ng pangulo ang mga negosyanteng ito pero hindi ang iba pang kompanya na pag-aari rin ng malalaking tao, karamihan sa kanila ay malapit, kaalyado o bumubulong sa pangulo? Ang isa pang tanong bakit kaya sa kalagitnaan ng kanyang termino biglang naisipan ng pangulo ang pagbusisi sa mga kontrata ng mga kompanyang ito?
Mukha namang epektibo ang ginawang hakbang ng pangulo dahil tumaas ang grado ng pag-apruba ng taong bayan sa bagong survey na ginawa ng Social Weather Station kung saan 82 porsiyento ng respondents ang sang-ayon sa ginagawa ng pangulo.
Nandoon na tayo na nais ng pangulo na magkaroon ng patas na pagnenegosyo sa bansa pero may malaking epekto ito sa kompyansa ng mga namumuhunang kompanya sa bansa. Magdadalawang-isip ang mga banyagang kompanya na pumasok sa bansa para maglabas ng kapital na pagdating ng panahon at nakita ng administrasyon na sagabal ito sa operasyon ng mga kompanyang pinapaboran, bigla silang papaimbestigahan.
Sa Hong Kong mayroon silang Independent Commission Against Corruption (ICAC) na siyang nag-iimbestiga sa mga kompanyang sangkot sa korapsyon pero hindi ito nambubusisi ng operasyon ng isang kompanya nang walang sapat na dahilan. Sana tularan natin ang proseso ng ICAC para naman ang mga kompanyang may maliwanag na anomalya lang ang imbestigahan at hindi ang mga kompanya na siyang unang tumulong sa ating mga kababayan kapag may mga unos kagaya ng pagsabog ng bulkang Taal.
Isang araw matapos ang pagputok ng bulkang Taal, nagpadala agad ng ayuda ang kompanya ng mga Ayala, Lopez at Pangilinan. Mukhang hindi na-appreciate ng kasalukuyang administrasyon ang agarang pagtulong ng mga negosyanteng ito.
Ngayon lang tayo nagkaroon ng presidente na may matatag na political will para baguhin ang bansa. Sana ang pagbabago ay para sa lahat, hindi lamang sa iilan na ginagamit ang pangulo sa pansariling kapakanan.