PATAY KA SA AGAW-MOTORSIKLO!

Magsilbing babala sa mga motorcycle rider ang isang krimeng nangyari sa Makati City kung saan pinagbabaril na ang isang empleyado ng isang security agency ay tinangay pa ang kanyang motorsiklo sa Makati City kahapon ng madaling-araw.

Namatay agad ang rider bunga ng ginawang pamamaril ng hindi pa nakikilalang mga kilabot na carnapper.

Sa pamamagitan ng identifictaion card (ID) na nakuha sa wallet ay nakilala ang biktimang si Eddie Elayon, empleyado ng isang security agency, at taga-Bacoor.

Si Elayon ay namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente sanhi ng limang tama ng bala ng .9mm pistol sa ulo at sa iba’t ibang bahagi katawan.

Base sa report ng Makati City Police, dakong alas-tres ng madaling-araw nang mangyari ang krimen sa panulukan ng Chino Roces at Arnaiz Avenue, Barangay Pio Del Pilar ng nasabing lungsod.

Nauna rito ay nakatanggap ng report ang rescue ng barangay na may naganap na pamamaril sa naturang lugar.

Kaagad na nagtungo ang mga barangay tanod sa naturang lugar at naabutan nila ang duguan at wala nang buhay na biktima na nakabulagta at nakasuot pa ng helmet.

Tinitingnan ang anggulong pagnanakaw ng motor dahil ayon sa isang residente na hindi na nagpabanggit ng pangalan, may nakita siyang lala­king nagpapaandar ng motorsiklo sa tabi ng nakahandusay na lalaki matapos marinig ang tatlo hanggang limang pu­tok ng baril.

Hindi nakita ang motorsiklo ng biktima, kaya hinihinalang tinangay ito ng mga suspek.

Sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Sout­hern Police District narekober ang apat na basyo ng bala ng .9mm sa pinangyarihan ng insidente.

Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ang mga awtoridad at ina­alam din kung mayroon nakalagay na close circuit television (CCTV) at nahagip ang pamamaril para sa pagkakilanlan ng mga salarin.