Isang patay na sanggol na lalaki na nakala­gay lang sa isang paper bag ang itinapon ng hindi pa kilalang matandang babae sa labas ng isang kainan­ kahapon ng mada­ling-araw sa Mandaluyong City.

Sa ngayon ay pi­naghahanap na ng pulisya ang nasabing matandang babae na nag-iwan ng bangkay ng baby sa Brgy. Hagdang Bato ng nabatid na lungsod.

Sa salaysay ng magnobya na sadyang hindi na nagpabanggit ng pangalan sa himpilan ng pulisya, alas-12:30 ng madaling-araw nang makita nila ang matandang babae na may hawak na paper bag at basta na lang binasura ang bitbit sa labas ng isang kainan sa nasabing barangay.

Sinubukan namang habulin ng lalaki ang nasabing matanda suba­lit mabilis na itong nakasakay sa dyip palayo ng lugar.

Dala ng kuryusidad, sinilip ng magkarelasyon ang laman ng paper bag at tumambad sa kanila ang patay na sanggol na naka—diaper pa at bagong baby dress, na tinatayang wala pang isang linggo kaya agad nila itong ini-report sa pulisya.

Sa ngayon ay dinala na sa punenarya ang patay na sanggol habang patuloy ang imbes­tigasyon sa insidente. (Edwin Balasa)