Dear Dream Catcher,

Nanaginip po kasi ako na may hawak ako na baby na patay. Sa panaginip ko po kasi, pauwi na ako sa bahay at sumakay po ako ng motor tapos sa nadaanan po namin, may baby tapos kinuha ko po. Pag-uwi ko sa bahay, patay na po ‘yung baby. Ano po ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Irah

Dear Irah,

Ang panaginip tungkol sa mga sanggol ay sumisimbolo sa isang pagbabago, sa isang pagsisimula. Ang sanggol ay representasyon ng isang bagay na mahalaga sa iyo, maaaring may kinalaman ito sa iyong career, relasyon, bagong proyekto o sa anumang malaking pagbabagong ikinukonsidera mo sa iyong buhay.

Ang panaginip na nakapulot ka ng baby ay sumisimbolo rin sa isang bahagi ng sarili mo na ngayon mo lamang natutuklasan at ang pangyayaring ito ang nagbibigay-daan sa isang bagong yugto ng iyong buhay.

Kung merong isang bahagi ng buhay mo na kailangan mo nang tapusin para makapagsimula ka muli, posibleng dito mo maikokonek ang iyong panaginip na nakakita ka ng sanggol, kinuha mo ito para isalba at sagipin pero namatay din sa iyong mga kamay. Ang patay na sanggol ay representasyon ng isang lumang bahagi ng buhay mo na kailangan nang matuldukan para tuluyan ka nang makapag-move on.

Ang iyong panaginip ay puwedeng indikas­yon na talagang kailangan mo ng ‘fresh start’. Back to zero, mag-uumpisa ka na ng bagong kabanata ng iyong buhay.

Ang patay na sanggol ay representasyon ng bahagi ng buhay na dapat nang isara o maaaring sa iyong aktuwal na sitwasyon – nagsara o natapos na.

Dream Catcher

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ­ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.