Wala na ang kinatatakutang si Momo, ito ang pahayag ng Japanese creator na modelo ng diumano’y killer online challenge.

Naramdaman umano ni Keisuke Aiso, 43, na ito ang responsable sa pagkatakot ng mga bata dahil sa kanyang obra na ginamit sa ‘Momo Challenge’.

Sa panayam kay Aiso ng The Sun, sinabi nitong itinapon na nito ang ginawang obra na may orihinal na pa­ngalang Mother Bird na ginamit sa exhibit noong 2016.

“It doesn’t exist anymore, it was never meant to last. It was rotten and I threw it away. The children can be reassured Momo is dead — she doesn’t exist and the curse is gone,” ani Aiso.

Matatandaang naging sentro ng usapin ang nakakatakot na imahe ni ‘Momo’ dahil ito ang ginamit sa suicide game umanong ‘Momo Challenge’ na target ay mga bata.

Nagre-reply umano si ‘Momo’ ng mga bayo­lenteng imahe at tinatakot ang mga player na sumunod sa mga utos ng game, gaya ng pananakit sa kanilang sarili na humahantong pa umano sa pagpapakamatay.