Umabot na sa sampung katao ang nasasawi sa pagsabog ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) refilling station sa Pasig City noong Enero 11.

Ito ang pahayag kahapon ni Senior Inspector Anthony Arroyo, hepe ng Investigation Unit ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Pasig City.

Kabilang sa tatlong huling nasawi ay sina Domingo Guira, 29, Raymart Eda, 22 at Joel Eda 28 pawang empleyado ng sumabog at nasunog na Omni Gas Corporation.

Si Joel ay ­nasawi noong Huwebes, si Raymart ay Biyernes habang si Domingo ng alas-12:00 ng tanghali ­kahapon.

Una sa tatlo ay magkakasunod din nasawi ang pito sa mga naisugod sa pagamutan na pawang nagtamo ng 90-95 percent na lapnos at sunog sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan dahil sa naganap na insidente.

Ayon kay Arroyo, 21 katao ang malubhang nasugatan nang maganap ang insidente na dulot ng gas leak at pagsabog sa pasilidad.