Dahil Undas ngayon, huwag kalimutan na alalahanin, ipagdasal, at kung maaari ay bisitahin naman ang mga mahal sa buhay na kinuha na ni Lord.
Ikaw din, baka sa kakapalusot mo na busy ka at maraming ginagawa eh ikaw ang kanilang bisitahin, at ang mas matindi eh bigla ka pa nilang sunduin.
Kung may pagkakataon din naman, isama na rin natin sa mga ipagdarasal at ipagtitirik ng kandila ang mga bangkay na wala pa ring kumukuha sa mga punerarya. Dahil nga kasi dumami ang insidente ng mga bangkay na natatagpuan sa kung saan-saan, o kaya naman eh nanlaban at nakaengkuwentro ng mga awtoridad, marami sa mga nasawi ang hindi na natukoy pa ang pagkakakilanlan.
Ang bagsak ng mga bangkay na iyan, kung hindi sa mga paaralan para pag-aralan ng mga nagmemedisina, malamang sa mga saklaan at pinapaupahan sa mga pasugalan para pakinabangan. Hindi ba ganyan ang nangyari sa isang kidnap victim na nang hindi matubos ay pinatay, nakita sa isang lugar at napunta sa isang punerarya?
Dahil walang nakakakilala sa biktima, pinarentahan ang pobreng biktima sa saklaan. At nang hindi na mapigil ang pagkabulok ng bangkay, ibinalik sa punerarya at ibinenta naman sa paaralan para pag-aralan.
Hindi naman puwedeng sisihin nang bongga ang mga punerarya dahil negosyo ang mga ito at kailangan din nilang kumita kahit ang iba sa kanila eh may pagkagahaman nga lang. Mali nga raw ang akala ng iba na mas tiba-tiba ang mga punerarya sa kasalukuyan nang dumami ang mga napapatay sa war on drugs at war on criminals.
May mga punerarya din naman daw kasi na may “patong” ang mga awtoridad para sila ang unang titimbrehan kapag may papatayin, este may makikitang patay. Dahil inaakala nila na may kukuha kaagad sa bangkay kinalaunan, hindi tatanggi siyempre ang punerarya at willing pang mag-advance ng “balato” sa nag-tip sa kanila tungkol sa bangkay.
Ang kaso, dumami nga raw ang mga unclaimed body ngayon kaya lugi ang punerarya sa kakasaksak ng kemikal sa bangkay para hindi kaagad bumaho at sa pa-“boarding” ng bangkay. Pero kapag may sumita sa kanila kung bakit may mga nabubulok na bangkay sa kanilang punerarya, mapipilitan silang gumastos muli para ipalibing na ang mga ito kahit libre.
Sa pagtaas ng inflation o mga pagmahal ng mga bilihin at serbisyo, baka nahagip din ng “price hike” ang kabaong at pati na ang libing.
***
Speaking of libing, alam ba ninyo kung saang lalawigan makikita ang libingan na kung tawagin ay sunken cemetery, na sa halip na katakutan eh dinarayo pa ng mga turista – dayuhan man o lokal?
Ang naturang sementeryo na nakalubog sa dagat ay makikita mga tsong sa bayan ng Catarman sa Camiguin. Sinasabing nalubog sa tubig ang nasa limang hektaryang sementeryo noong 1871 nang sumabog ang Mt. Vulcan.
Ngayon, dinadayo ng mga turista ang lugar – lalo na ng mga mahilig sa diving dahil bukod sa kakaibang tanawin ng mga puntod sa ilalim ng tubig, marami na ring magagandang isda at yamang-dagat sa ilalim nito dahil idineklara nang marine-protected area ang lugar. Pero may isang bagay nga lang na hindi puwedeng gawin ng mga nagpupunta sa sementeryong ito mga tsong – ang magsindi ng kandila sa ilalim ng tubig.
Pero isang malaking kongkretong krus ang makikita sa lugar na palatandaan sa naturang himlayan na nakatutulong ngayon sa kabuhayan ng lokal na pamahalaan. Isa itong magandang halimbawa na hindi dapat katakutan ang mga patay. Sa halip, ang mga tunay na dapat katakutan ay ang mga buhay na handang ibenta ang kaluluwa kay Taning para magpasarap lang sa buhay.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”
===================