
Naririndi na sa kakulitan ng kanyang mga kritiko at karibal si Presidential bet Rodrigo Duterte dahil pati ang paghingi nito ng paumanhin sa kontrobersyal na “rape joke” ay pinagdududahan at pilit na binubutasan.
Iginiit ni Duterte na hindi maintindihan ng iba ang mensahe na gusto nitong iparating.
Naninindigan ang alkalde ng Davao na ang inihihingi nito ng paumanhin ay ang nangyaring panggagahasa sa isang Australian missionary at patayan noong 1989 sa Davao penal colony.
“I’m sorry that it had to happen meaning…the rape occurred and there are killings. ‘Yung rape pati yung patayan and I addressed it to the Filipino people inulit ko lang ‘yan. I’m sorry it had to happen,” sabi ni Duterte.
Humihingi ito ng paumanhin sa sambayanang Filipino kung hindi man nagustuhan ng iba ang kanyang mga sinabi.
Pero matigas ang Davao Mayor na wala siyang dapat ipag-sorry sa ano mang grupo, entity o personalidad.
Dahil sa tila magkakasalungat na pahayag nalilito tuloy ang iba kung sinsero ba o hindi ang pagso-sorry ni Mayor Duterte. (Aries Cano)