Better late than never, ika nga.
Maraming Pilipino ang natuwa sa pagbaba ng hatol na guilty ng Sandiganbayan kay Imelda Marcos para sa 7 akto ng graft (katiwalian o pagnanakaw sa gubyerno).
Ayon sa desisyon, nagkasala si Imelda nang lumikha at nangalaga siya ng 7 pribadong foundation sa Switzerland para sa kapakinabangan ng kanyang sarili o ng pamilya Marcos habang may katungkulan sa gobyerno mula 1968 hanggang 1986. Kabilang dito ang Trinidad, Xandy, Vibur, at Maler Foundation, na nakapangalan sa kanya at kay Ferdinand o sa mga alias na Jane Ryan at William Saunders. Ginamit niya ang mga foundation upang makapagbukas ng mga bank account, magdeposito at maglipat ng pondo, kumita ng interes, at magkamal ng tubo mula sa mga investment. Tinatayang nasa $200 milyon (Php 10.6 bilyon) ang halagang kinita ni Imelda sa pamamagitan ng mga foundation na ito.
Sinentensyahan siya ng 6 taon hanggang 11 taon para sa bawat akto ng katiwalian, o mula 42 hanggang 77 taon sa kulungan. Hindi na rin siya maaaring tumangan ng anumang puwesto sa gobyerno magpakailanman.
Dapat ipagdiwang ang desisyon na sinulat ni Associate Justice Maryann Corpus-Mañalac at sinang-ayunan nina Associate Justice ` at Maria Theresa Mendoza-Arcega. Ngunit hindi rin maikakailang labis-labis ang pagkaantala ng hatol na ito, mahigit tatlong dekada matapos mapatalsik ang mga Marcos noong 1986. May pananagutan ang usad-pagong na sistema ng hustisya sa muling pamamayagpag ng mga Marcos sa politika at lipunan.
Gayunman, hindi matatawaran ang halaga ng hatol mula sa hukuman ng sarili nating bansa na nagkasala ng katiwalian si Imelda. Isang malaking hakbang ito tungo sa ganap na pagpapanagot sa naging papel niya sa pinakamasahol na pandarambong sa ating kasaysayan. Nabigyan tayo ng patikim ng katarungan.
Bukod kay Imelda, dapat ding usigin at mahatulan ang kanyang mga anak. Sa pamamagitan lamang ng hatol at sentensya ng korte matitiyak na mapananagot ang mga Marcos sa kanilang mga krimen, maipagbabawal na kailan pa man sa anumang puwesto sa gobyerno, at matatanggalan ng kakayahang maghasik ng kasinungalingan at burahin ang katotohanan hinggil sa madugo at tiwaling kasaysayan ng diktaduryang Marcos.
Wala pang katiyakan kung titindig ang hatol ng Sandiganbayan o mababaligtad batay sa apela ng kampo ni Marcos. Gayundin kung hihimas ng malamig na rehas si Imelda. Ngayon pa lamang, kumakahol na ang mga makapangyarihang alyado ng mga Marcos na hindi na dapat makulong ang 89-anyos na balo ng diktador.
Malinaw ang kailangang mangyari sa kanya sa ngalan ng katarungan: Ikulong! Singilin! Pagbayarin!