Patrolman nangikil ng police trainee

Naaresto ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang isang pulis at kakuntsaba nito sa kasong robbery extortion matapos nilang pangakuan ang ilang police recruit na bumagsak sa medical test na maaari pa rin silang makapasok sa pagkapulis kapalit ng paglalagay nila ng pera.

Kinilala ni PNP-IMEG Director Police Col. Ronald Lee ang naarestong pulis na si Patrolman Ralph Rigor Ramos, nakatalaga sa PNP Drug Enforcement Group, at sibilyan na si Kathyrin Acquito.

“We have caught another policeman violating the strict ‘No Kotong’ policy of the PNP leadership, one who is demanding money from police applicants by claiming he can alter the result of their medical records in exchange for a big amount of money,” pahayag ni Lee.

Sa ulat, naaresto ang mga suspek alas-10:00 ng gabi nitong Sabado sa harap ng isang Mini Stop sa South mall sa Las Piñas City.

Matapos makumpirma ang ulat na isang bagitong pulis ang kumakausap sa mga police trainees na puwede pa umano silang makapasok sa PNP basta magpapadulas ng malaking halaga ng pera ay inaresto ang mga suspek.

Nabawi sa dalawa ang marked money mula sa kanilang kausap matapos magkasa ng entrapment operation ang pulisya. (Edwin Balasa)