Patunayang hindi anti-poor

Kinontra ni Dangerous Drugs Board (DDB) chairperson Dionisio Santiago ang pananaw ng ilan na ang war on drugs ng administrasyong Duterte ay ‘anti-poor’ o tumatarget lamang sa mahihirap na adik.

Nilinaw din ng DDB na hindi lamang puro mahihirap ang tinamaan o naapektuhan ng inilunsad na laban sa ilegal na droga sa bansa.

Sa katunayan ay marami rin aniyang mayayaman na nasiraan na ng ulo dahil sa paggamit ng bawal na gamot.

Mabuti na rin at nagbigay ng paglilinaw ang DDB sa usaping ito.

Nirerespeto natin ang kanilang panig. Karapatan nilang magbigay-linaw lalo na’t may ganitong pangamba ang ilan nating kababayan.

Pero kung pagbabasehan natin ang mga naglalabasang balita ay bibihira talaga naman ang napapaslang na mayayaman sa mga anti-drug operation ng mga awtoridad.

Bibihira rin ang nababa­litaan nating nasasakoteng sangkot sa ilegal na droga na mula sa mayayamang angkan.

Kaya ang sa amin, hindi lang sana hanggang sa salita lamang ang sinasabing ito ng DDB.

Hangad nating maging makatotohanan ang pahayag na ito ng DDB lalo na’t batid naman nating mga pulis ang kadalasang nagsasagawa ng anti-drug operations kaya maaaring blangko sila sa mga nagiging puntirya ng operasyon.