Dati nang sarap-sarapan ang katawan ni Paul Salas. Pero, na-pressure daw siya kay Jak Roberto na kung tawagin ay Abs ng Bayan.

Co-star niya ito sa “Kara Mia” na kapareha ng mga bidang sina Barbie Forteza at Mika dela Cruz.

Confident naman daw si Paul na kaya niyang lumaban sa abs ni Jak at in fairness ay suportado siya nito at nagdyi-gym pa sila together.

Pinaghandaan daw talaga ni Paul ang role niyang si Chino na coñong football player na matataypan ni Mika as Mia. Yummylicious ang 20-anyos na binata, so game siya sa Pandesal Challenge.

Ang sabi sa amin ni Paul, keri niyang mag-underwear shoot na mala-Marco Gumabao for Bench Body, depende raw kung papayag ang management niya.

Sa Instagram ay may mga pahubad post ang 5’10” na bagets, pero hanggang “Hi, baby!’ lang daw ang comment na nakukuha niya.

Wala naman daw indecent proposal o mga bastos na offer sa kanya. Kung meron ay mabibig­la raw siguro siya, pero suportado raw siya ng family niya, so hindi niya kailangang pumatol sa mga offer na gano’n.

Flattered si Paul kung may mga nagnanasa sa kanya sa mga pa-abs at pa-topless niya sa IG dahil mas okey na raw ‘yon kesa naghuhubad ka sa social media at nagpapaka-hunk, tapos ay walang nagrereak at walang nagkakagusto.

Si Mika ang kapareha ni Paul sa “Kara Mia.” Dati na silang pinagpi-pair nito mula pa nu’ng mga bata sila at nasa ABS-CBN pa sila pareho, pero wala raw ligawan o anuman na naganap sa kanila.

Naging best friends lang sila at alam din daw kasi ni Paul na meron itong Nash Aguas, na kaibigan niya rin.
Dahil loveless si Paul, may time pala na nagpi-fifth wheel siya sa JakBie at sa MikAsh. Okey lang daw sa kanya dahil puro career muna siya ngayon at saka na ang love.