Dahil magpapasukan na naman ay muling nagpaalala ang Department of Education (DepEd) ­patungkol sa ipinatutupad na “no collection policy” sa lahat ng pampublikong paaralan.

Kasabay kasi ng pagbabalik-eskwela sa Hunyo 5 ay isa ang pangongolekta ng kung anu-anong bayarin sa eskwelahan ang ­madalas na ireklamo ng mga magulang.

Ang ‘no collection po­licy’ ay alinsunod sa DepEd Order No. 41, ­series of 2012 upang matiyak na hindi magiging hadlang ang pera para makapasok sa paaralan ang lahat ng mag-aaral.

Nilinaw din ni Education Secretary Leonor­ Magtolis Briones na bagama’t may aprubadong listahan ng mga authorized contributions ang DepEd, dapat ay manatiling bolun­taryo o kusang-loob lamang at hindi compulsory o sapili­tan ito.

Kabilang sa mga authorized contributions ay ang Boy Scouts of the Philippines (BSP), Girl Scouts of the Philippines (GSP), Philippine National Red Cross (PNRC), Anti-­TB Fund Drive, ­Parents-Teachers Association (PTA), at school publication fee.

Hindi rin naman nire-require ng DepEd ang pagsusuot ng school uniform sa mga public schools, ngunit kung mayroong mga lumang uniporme ay maaaring ito na lamang ang suotin upang hindi na makadagdag pa ng gastusin ng kanilang mga magulang.

Libre naman ang mga identification (ID) cards para sa mga mag-aaral, dahil ang pondo para rito ay kukunin ng school head o principal mula sa Maintenance and Other Opera­ting Expenses (MOOE) ng paaralan.

Ang sinumang lalabag sa naturang mga polisya ay may karampatang parusa alinsunod sa DepEd ­Order No. 49, s. 2006, o ang ­Revised Rules of Procedure of Department of Education in Administrative Cases.

Malinaw ang anunsyong ito ng DepEd pero ang kadalasang problema ay ang mga pamunuan ng mga eskwelahan kung saan ay sila mismo ang pasimuno ng pangongolekta.

Kabilang sa kadalasang ipinapasagot sa mga estudyante ay pambili ng electric fan at iba pang mga kagamitan sa silid-aralan na malinaw sa isinasaad na polisiya ng DepEd na hindi dapat ipinasasagot sa mga mag-aaral.

Kaya sana ay maging alerto ang mga magulang at mga estudyante sa ganitong modus ng mga ­eskwelahan.

Kung may magpipilit na mga pamunuan ng eskwelahan ay isumbong agad sa DepEd ang mga ito upang makastigo at mapatawan ng kaukulang parusa.

Kadalasan kasi ay kung anu-anong palusot ang ginagawa ng mga guro at pamunuan ng mga eskwela­han makapangolekta ­lamang sa mga estudyante.

Kaya dapat ay huwag niyo silang hayaang manaig dahil ipagpapatuloy nila ang baluktot nilang panuntunan hanggang sa mas maraming mag-aaral ang kanilang maging biktima.