Dear Kuya Rom, 

Itago mo na lang ako sa pangalang Patricia. Ang ama ko ay namatay nang barilin siya ng mga magnanakaw. Ang kuya ko ay nasagasaan ng sasakyan na mina­maneho ng isang lasenggo at nalagutan ng hininga sa ospital. Nangyari ang lahat ng ito sa loob ng tatlong buwan. Ang ina ko ay parang mababaliw dahil sa mga pangyayari.

Ako ang bunso at laging kinakabahan at ninenerbiyos. Para mawala sa utak ko ang takot, natuto akong manigarilyo, maglasing at mag-drugs. Minsan ay nakalimot ako at sumiping sa isang lalaking hindi ko kilala. Nalaman ito ng asawa ko at iniwan ako.

Isang gabing naglalakad ako at lumilipad ang isip dahil sa drugs, isang grupo ng mga lalaki ang biglang humila sa akin sa loob ng isang van. Pinilahan nila ako at pagkatapos ay iniwan sa bangketa.

Gusto kong magsisi. Mali ba ang magpakaligaya ka ngayon, kasi bukas maaaring patay ka na? Hindi ako ganito dati, bakit ako ganito ngayon? Gusto kong magbago para sa aking anak. Sana’y makatulong ka, kuya. Maraming salamat. — Patricia

Dear Patricia,

Ang sunud-sunod na pagdating ng malalaking dagok ng buhay at paghahanap ng kasagutan sa mga ka­tanungang hindi masagut-sagot ay nakapanghihina at nakapanlu­lupaypay. Kami ay nakikiramay.

Ang nangyari sa iyo ay para kang sinalanta ng magka­kasunod na malakas na bagyo at hindi mo maisip kung bakit ito nangyari sa iyo. Ikaw ay litung-lito at hindi mo alam ang gagawin.

Naging sobrang bigat ang buhay para sa iyo at nagbaka­sakaling makahanap ng magpapagaan sa pa­sanin sa pamamagitan ng droga. Naranasan mo ang masamang epekto at natutunang hindi ito makakatulong sa iyo. Nagkamali ka sa paggamit ng droga, sa pagsiping sa hindi mo asawa at ikaw nagsisisi ngayon.

Gawin mong totoo ang kagustuhan mong magbago. Ang tunay na pagbabago ay nakikitaan ng bunga. Ang wika ng Bibliya, dapat kang magsisi sa iyong kasalanan at lumapit sa Diyos, at ipakita mo sa pamamagitan ng iyong mga gawa na ikaw ay totoong nagsisisi (Gawa 26:20).

Ipagkatiwala mo ang iyong buong buhay sa Panginoong Jesu-Cristo. Sa Kanya mo lamang matatagpuan ang tunay na pagbabago at buhay na kasiya-siya.

Wika ng Bibliya, “Ang sinumang na kay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao; binago na siya. Ang lahat ng ito’y gawa ng Diyos…” (2 Corinto 5:17-18)
Ang matibay na pananalig mo sa Diyos ay magiging kalakasan mo upang manindigang manatili sa Kanya sa kabila ng mga pagsubok “kaysa lasapin ang mga panan­daliang kaligayahan na dulot ng kasalanan” (Hebreo 11:25).

Ang tunay na pagbabago ay ebidensiya na ikaw ay nasa Diyos at handa ka anumang oras na humarap sa Kanya. Ang tunay na pagbabago mo ay magbubunga ng tunay na pagmamahal at tamang pagpapalaki sa iyong anak. Ang tunay na pagbabago mo ay magsisilbing inspirasyon at kalakasan sa iyong ina. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom