Dear Kuya Rom,
Simply call me Lito. Sa college pa lang, may girlfriend na ako. Kami ay four years na. Gustong-gusto siya ng daddy ko.
Nilalakad ko na ang mga kailangan sa kasal namin nang nalaman kong may isa pang boyfriend siya sa Canada.
Hindi ko matanggap na all the while pala siya ay nagtataksil sa akin. Nauwi sa masamang pag-uusap ang pagtatanong ko.
Nakipagkalas ako sa kanya. Parang bumagsak at nawasak ang lahat sa mundo ko. Nagsisikap ako ngayon na mabuong muli ang aking buhay.
Nahihirapan ako. Ang reason, masama ang loob ng daddy ko sa akin. Bakit ko daw tinalikuran ang babaeng gusto niya para sa akin. Sinabi ko sa kanya ang nangyari, pero hindi niya gusto ang naging desisyon ko.
I’m 21 at nakatira sa bahay ng parents ko. May dalawa akong kapatid, ang panganay at ang bunso.
May magandang trabaho ako at nagbibigay ako ng pera para makatulong sa mga gastusin ng pamilya, pero parang minamaliit ng daddy ko ito.
Iniinsulto niya ako sa harap ng mga kapatid ko. Mas maganda ang trato niya sa panganay na kapatid ko.
Mataba daw ako at kulang na lang sabihin niya na pangit ako. Tuwing suot ko ang regalo niyang polo sa akin, pinagmamalaki niya na bigay niya ito sa akin sabay sabi na mas magaling siyang magdala ng damit.
Sinisigawan niya ako tungkol sa iba’t ibang maliliit na bagay. May magagawa ba ako para bumuti ang sitwasyong ganito? I’m getting frustrated. Please help. Thanks a lot and more power! — Lito
Dear Lito,
Magalang at may kababaang-loob na kausapin mo ang daddy mo. Sikapin mong huwag mauwi ito sa mainitang pag-uusap na maaaring lumabas na hindi mo siya iginagalang. Huwag mong pansinin ang galit niya.
Pasalamatan mo siya sa kanyang pagmamahal at malasakit sa iyo. Sabihin mo sa kanya na alam mong ang kabutihan at kaligayahan mo ang gusto niya.
Sabihin mo na nauunawaan mo na nasaktan ang damdamin niya dahil hindi natuloy ang kasal mo sa babaeng gusto niya para sa iyo.
Ipaliwanag mo sa kanya na ikaw ang higit na nasasaktan sapagkat ikaw ang pinagtaksilan.
Kita ang katotohanang hindi ipinaglaban ng girlfriend mo ang relasyon at kasal ninyo dahil totoong may ibang bisig siyang matatakbuhan, kaya’t ikaw ay talagang nasasaktan.
Bigyan mo siya ng halimbawa na kung ang mommy mo ay magtaksil sa kanya, masasaktan din siya.
Sabihin mo sa kanya na ikaw ay nanghihina dahil sa pangyayari at kailangan mo ng habag at pang-unawa, kailangan mo ng tulong upang gumaan ang kabigatang dala mo sa iyong dibdib at mabuong muli ang wasak mong puso.
Hilingin mo sa kanya na ipagdasal ka niya para makita mo ang taong sadyang itinakda ng Diyos para sa iyo, ang tanging babaeng mananatiling tapat sa iyo. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom