PayPal: AUSTRAC audit walang koneksyon sa child sex exploitation

Nilinaw ng PayPal, isang global online money transfer firm, na walang kinalaman sa child sex exploitation ang isinasagawang audit sa kanilang kompanya.

Ang paglilinaw ng PayPal ay kasunod na rin ng mga lumabas na ulat kung saan ay inutos diumano ng Australian Transaction Reports and Analysis Centre (AUSTRAC) ang pag-iimbestiga sa PayPal dahil posibleng ginagamit umano ito ng mga sex offender sa pagbili ng mga online child abuse material mula sa rehiyon ng Asya katulad sa Pilipinas.

Gayunman, binigyang-diin ng PayPal na ang isinasagawang audit sa kompanya ay batay sa international funds transfer instruction reporting obligations.

“The audit reques­ted by AUSTRAC of PayPal’s Australian business primarily related to compliance with international funds transfer instruction reporting obligations. This matter was self-disclosed by PayPal to AUSTRAC,” ayon sa pahayag na inilabas ni Catherine Llanes, media relations manager ng PayPal.

Mahalaga aniya ang reporting obligation bilang bahagi ng pandaigdigang kampanya laban sa financial crime at maling paggamit ng payment platforms.

Inihayag pa ng PayPal na masusi silang nakikipagtulungan sa mga international financial crime regulator at law enforcement, kabilang na ang AUSTRAC.

Isa rin aniya ang PayPal Australia sa mga founding member ng AUSTRAC Fintel Alliance, isang private-public partnership sa Australia na nag-iim­bestiga para mapigilan ang mga criminal at terrorist activity.