May verbal agreement ang Samahang Basketbol ng Pilipinas at PBA board of governors sa pagpapahiram ng tig-iisang players mula sa 12 PBA teams para sa Gilas Pilipinas 5.0 na mamanduhan ni balik-national coach Chot Reyes.

Sumang-ayon ang mga kinatawan ng team owners sa board meeting kahapon sa PBA commissioner’s office sa Bagum­bayan, Libis, Quezon City.

Pagkaraan ay nakipag-usap si Reyes kina ­incoming chairman Erick Arejola ng GlobalPort. outgoing chair Robert Non ng San Miguel, Rene Pardo ng Star, Alfrancis Chua ng Ginebra, Al Panlilio ng Meralco, Patrick Gregorio ng TNT, Atty. Mamerto Mondragon ng Rain or Shine, Ramoncito Fernandez ng NLEX, Richard Bachmann ng Alaska, Siliman Sy ng Blackwater, Tomas Alvarez ng Mahindra at Raymon Zorilla ng Phoenix.

“Each PBA team will have a minimum of one player, and that’s the commitment of the PBA,” ani Panlilio, na siya ring pangulo ng  SBP.

Inihayag ni Reyes na asinta niyang isasama sa 13 cadets para sa Gilas 5.0 pool ang 2015-16 PBA Mythical First Team nina MVP June Mar Fajardo, Calvin Abueva, Jayson Castro at ­Terrence ­Romeo, at kung puwede ay ang teammate rin ni Fajardo na si ­Arwind Santos.

“The Mythical Five are high on our list. But there’s a problem in June Mar Fajardo and Arwind Santos as they are both from San Miguel. We’re allowed to pick only one player per PBA team,” ani Reyes.