Nangako ang PBA Five na ipapahiram pa rin nila ang players na kakailanganin sa national team kahit nagkakaroon ng internal problems sa liga.
Ang PBA Five na binubuo ng tatlong teams ng San Miguel Corp. (San Miguel Beer, Ginebra, Star), Kia at GlobalPort ang pabor sa pagbibigay ng panibagong termino kay commissioner Chito Narvasa.
Seven teams ang nagdesisyon na huwag nang bigyan ng extension si Narvasa. Kabilang dito ang MVP teams TNT KaTropa, NLEX at Meralco, at Blackwater, Alaska, Rain or Shine at Phoenix.
Siniguro ng PBA Five ipapahiram pa rin ang players nila sa Gilas Pilipinas na naghahanda para sumabak sa FIBA-Asia World Cup qualifier.
“We believe this should not be adversely affected by the board members’ differences in opinion,” bahagi ng statement na inilabas ng PBA Five kahapon.
Nasa Gilas pool sina June Mar Fajardo at top pick Christian Standhardinger ng SMB, Japeth Aguilar ng Ginebra, at Terrence Romeo ng GlobalPort.
Ang iba sa Gilas na mula sa MVP bloc ay sina Jayson Castro at RR Pogoy ng TNT, Carl Bryan Cruz at Calvin Abueva ng Alaska, Raymond Almazan at Gabe Norwood ng Rain or Shine, at Matthew Wright ng Phoenix.
Naunang naalarma sa krisis si newly-appointed Fuel Masters coach Louie Alas sa senaryong maaring maapektuhan ang Gilas Pilipinas dahil sa away ng dalawang grupo.