Mga laro ngayon (Smart Araneta Coliseum)
4:30 p.m. – Rain or Shine vs. Star
6:45 p.m. – NLEX vs. SMB

Tuloy-tuloy ang ligaya ng Barangay Ginebra habang walang tigil ang kalbaryo ng Alaska.

Pinahaba ng defending champion Gin Kings ang losing skid ng Aces sa 2017 PBA Governors Cup matapos lagukin ang 94-80 panalo kagabi sa Hoops Dome sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Kasama ang Commissioner’s Cup, may 14-game skid na ang Aces at tangan nila ang 0-6 baraha ngayong conference.

Umarangkada si reinforcement Justin Brownlee ng 22 points, 10 rebounds at five assists para itulak ang crowd favorite Ginebra sa four-game winning streak tungo sa 4-1.

May 19 markers si Joe Devance, kumana si Japeth Aguilar ng 15 points at 11 boards para sa Gin Kings na nilasing agad ang Aces sa unang dalawang quarters matapos kapitan ang 46-31 bentahe.

Umabot sa 22 puntos ang nilamang ng Ginebra sa third period pero naibaba ng Aces sa siyam na puntos may 2:01 minuto na lang sa payoff period.

Kumayod si Calvin Abueva ng 22 points, 13 rebounds at tigalawang assists at steals pero hindi sumapat para ibigay sa Alaska ang unang panalo.