PBA: Aces niyanig ng Bolts

Pba Meralco Norman Black

Mga laro ngayon (Mall of Asia Arena)
4:30 p.m. — Mahindra vs. TNT
6:45 p.m. — Ginebra vs. Star

Ilang oras lang ang pagitan pagkatapos ng earthquake sa Luzon kahapon pero hindi ininda ng Meralco at lumikha ng sariling payanig tungo sa 99-91 pag-uga sa Alaska sa PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Mall of Asia Arena.

Dalawang free throws ni Jared Dillinger ang nagpalayo sa Meralco ng 25 points 6:01 ng fourth quarter, 91-66, bago ang nakakatoreteng run ng Alaska na lumapit sa 95-86 sa 3-pointer ni Corey Jefferson, pero 1:19 na lang.

Nakipagbalikatan na mula roon ang Bolts hanggang ­kubrahin ang panalo para bumawi mula sa 99-92 loss sa San Miguel Beer noong Linggo. Lahat starters ni Norman Black ay nakapag-akyat ng double-digit scoring sa pangunguna ng ­double-double ni Alex Stepheson na 17 points at 26 rebounds.

Kinulang lang ng isang rebound si Baser Amer para rin sa double-double sa nakayod na 19 points, may 15 si ­Jared Dillinger at 14 each sina Chris Newsome at Justin Chua para takpan ang pagliban ng injured na si Cliff Hodge.

Sa fifth W sa six games, sampa sa third spot ang Bolts at hinaltak padausdos sa fourth ang dating walang talong Alaska (4-1) sa likod ng Star (4-0) at SMB (2-0).

“The key to winning was to break the pressure of ­Alaska and for the most part, we did that. And our offense ­executed,” suma ni Black.

Naka-32 markers at 13 boards si Jefferson sa Aces.

Tumapak na ang Blackwater sa win column pagkatapos ng five games via 118-113 decision sa GlobalPort na inaalat pa rin sa 0-4.