Eric Menk
MAJOR PAIN — Itinaas ni Eric Menk ang plaque niya nang bigyan ng tribute ng Alaska sa halftime ng Aces-Ginebra game sa Big Dome kagabi. Semi-retired na si Menk, 42, pumasok ng PBA noong 2001 at mahigit isang dekadang naglaro sa Ginebra na tinulungan niya sa apat na championships at nakakuha ng kanyang league MVP award. Nasa Alaska si Menk nitong last two seasons. (Patrick Adalin)

Kinumpleto ni Justin Brownlee ang three-point play sa final 7.2 seconds mula sa foul ni Corey Jefferson at nasalag ng Ginebra ang late rally ng Alaska para ipreserba ang manipis na 103-102 panalo kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Tinuhog ng Gin Kings ang panlimang panalo matapos umpisahan sa talo ang PBA Commissioner’s Cup. Laglag sa 4-3 ang Aces.

“We certainly battled through a lot of adversity in that game,” bulalas ni Ginebra coach Tim Cone. “But Justin was just being Justin. He’s just such an intelligent player.”

Airball ang sumunod na tira ni Jefferson pero natapik ni LA Tenorio ang bola palabas kaya balik sa Alaska ang posesyon. Kaya lang, kabyos ang jumper ni JVee Casio kasabay ng tunog ng final buzzer.

Tumapos si Brownlee ng 37 points, 14 rebounds at six assists, may 11-11 si Scottie Thompson sa Gins at nagdagdag pa ng 11 si Tenorio.

Sa first game, binundol ng Mahindra ang Blackwater 96-87 sa likod ng 18 points off the bench ni Reden Celda.

Tumapos ng 16 points at 16 rebounds si Keith Wright para sa Floodbuster, tinablahan ang biktima sa 10th sa 2-7.