Panalo ang North 154-151 laban sa South sa Cignal PBA All-Star Game 2016 sa Smart Araneta Coliseum kagabi, ang tumapos sa annual spectacle ng pro league.
Higit sa lahat, sulit ang fans na nabigyan ng treat sa dumadagundong na dunks at umaapoy na 3-pointers mula sa mga iniidolo sa apat na araw na All-Star Weekend.
Si Alex Cabagnot ang tinanghal na All-Star MVP sa nilistang 29 points, 5 rebounds at 3 assists.
Sa first two quarters lang ay nakaporma na ang high-scoring game, umulan ng baskets mula sa labas ng 3-point arc.
Tumikada ang North ng 9 of 19 mula rainbow territory, kumana ang South ng 8 for 24.
Bago ang ceasefire sa break ay natigil ang iskor sa 79-73 pabor sa North.
Si Gabe Norwood ang humalili kay Calvin Abueva sa starting position ng North. Absent ang The Beast sa annual spectacle, may trangkaso raw at nasa ospital. Sabado ay hindi na nakasipot ang Alaska forward sa praktis ng squad sa Big Dome din.
“Hindi bumababa ang lagnat niya kaya naka-confine sa hospital ngayon,” paliwanag ni PBA deputy commissioner Rickie Santos.
Iba pang starters ni five-time All-Star coach Yeng Guiao sa North sina Japeth Aguilar, Marc Pingris, Terrence Romeo at Mark Caguioa.
Sa South ni Leo Austria sina rookie Scottie Thompson, Joe Devance, June Mar Fajardo, Asi Taulava at James Yap. League-records ang 14 All-Star appearances ni Taulava, 41, at ang longest consecutive start sa 13 ni Yap.
Kumumpleto sa team ni Guiao sina Troy Rosario, Stanley Pringle, Cabagnot, Paul Lee, Ranidel de Ocampo at Jayson Castro. Ang iba pa sa squad ni Austria ay sina Carlo Lastimosa, RR Garcia, Jericho Cruz, Mark Barroca, JR Quinahan, Chris Ross at Jeff Chan, wala si injured Greg Slaughter.
Sa umpisa pa lang ay binalatan na ni Guiao ang estratehiya: fast-paced game.
“Papagurin namin sina June Mar at Asi,” ani Guiao, sa bihirang pagkakataon na nasa sidelines ay nakangiti. “Mukhang madaling mapagod eh.”
Pero sumabay din ang South, buong gabing nagtatakbuhan ang magkabila na parang walang kapaguran. Katunayan, hanggang final minute ay nasa loob sina Fajardo at Taulava, ang San Miguel Beer big man ang kumana sa dulo habang naghahabol ang South.
Pagbalik mula sa break ay palitan ulit ng basket, natapos ang three na nasa unahan ang North 117-115.
Sa final stanza ay pukpukan pa rin ang laro, walang makalayo.
Sa follow-through ni Rosario ay umagwat ang North 154-151, 5.7 seconds na lang sa laro.
Sablay ang panabla sanang 3 ni Chan sa harap ni Lee at hindi na nakadiskarte ang South.