Dumayo pa ng Antipolo ang GlobalPort bago nakalsuhan ang five-game losing skid sa TNT KaTropa nang kumpletuhin ang 119-112 panalo sa Ynares Center.
Sa parehong torneong PBA Governors Cup pa noong isang taon ay hindi na nakaporma ang Batang Pier sa Texters. Kagabi, mas matatag ang GlobalPort sa dulo nang magawang salagin ang tangkang rally ng TNT.
Abante ang Batang Pier ni coach Franz Pumaren 57-48 sa halftime, nasa unahan pa rin 86-76 pagkatapos ng three. Pero ayaw bumigay ng Texters.
Nagkasa ng solong 5-0 run si Mike Cortez para ilayo ang GlobalPort 106-92 sa kalagitnaan ng fourth.
Pinangunahan ng 30 points ni Stanley Pringle ang Batang Pier, may 24 si Murphey Holloway at 21 kay Sean Anthony at umayuda ng 13 ang nagbabalik mula Gilas na si Terrence Romeo. Tumapos si Cortez ng 11.
Sa first game, nakabawi mula sa pagkakalagot ng three-game winning streak ang Blackwater nang i-masaker ang Kia 118-97.
Labas ang pangil ng Elite, lumayo pa ng hanggang 49 para bumalikwas mula sa 117-96 loss sa TNT noon lang Miyerkules.