PBA COVID-19 free pa rin

Kumpara sa counterpart National Basketball Association (NBA) na naapektuhan na ng nakamamatay na coronavirus disease o COVID-19 pandemic, nananatiling virus-free ang mga manlalaro ng 12 miyembrong koponan sa Philippine Basketball Association (PBA).

Siniwalat ito ni pro league Commissioner Willie Marcial kahapon, hinirit na kahit sintomas ay walang nagpositibo sa kanila sa kabila na mabilis na lumaganap ito sa buong mundo at isa na ngayong pandemic virus.

“Wala pa naman naire-report sa amin,” ani Marcial, na ipinag-utos ang pagbabawal sa pagsagawa ng mga scrimmage at team practice dahil na rin sa posibilidad na makalusot ang isang positibong personahe na makakapagdulot ng pagkahawa sa mga player.

Nagbukas ang ika-45 taon kung saan ginawaran ng awards ang mga natatanging manlalaro sa nakaraang 2019 season at naisagawa ang isang laro ng defending champion San Miguel Beer at Magnolia Hotshots noong Marso 6.

Pero agad nagdesisyon ang PBA ng “indefinite suspension” dahil sa matinding panganib na dulot ng virus na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring nadidiskubreng gamot.

Una nang itinigil ng PBA ang mga laro bago pa natuklasang positibo sa COVID-19 ang isang manlalaro ng Utah Jazz sa NBA na naging dahilan upang suspindihin din ang lahat ng mga laro ng pinakamalaking liga ng basketball sa Estados Unidos at sa mundo.

Ipinaliwanag din ni Marcial na posibleng magtagal bago makabalik o maipagpatuloy ang mga laro ng liga.

Ito ay dahil maliban sa isang buwan na ipinapatupad na community quarantine sa National Capital Region, dapat din na bigyan ng dalawang linggo na pagbabalik ensayo ang mga team upang makabalik sa kanilang mga kondisyon para sa season-opening 2020 Philippine Cup.

“Kami po hangga’t puwedeng maiwasan. Kung sa amin lang po, iwasan muna natin ‘yong magkasama-sama. So mas maganda doon na lang muna sila sa kanya-kanyang bahay,” panapos na pahayag ni Marcial sa isang radio interview. (Lito Oredo)