PBA: DEPENSANG BOLTS PASADO KAY BLACK

Pba Meralco Phoenix

Well-oiled machine mula sa 17-day break ang Meralco taliwas sa pag-aalala ni Norman Black sa bisperas pa lang ng laban, binangunan ang maagang 13-4 down sa opening quarter saka sinilaban ang Phoenix, 81-66.

Pasok na sa karera sa quarterfinals, sinementuhan ng Bolts ang second spot sa third straight win at 7-1 overall win-loss record sa PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Naging poste ng Meralco si Baser Amer sa sco­ring sa ibinaon na 20 points, may 19 si Chris Newsome. Tumikada si Alex Stepheson ng 15 points at 20 rebounds.

Bagsak sa 3-5 ang Fuel Masters bagama’t hindi natinag sa eighth.

“Defensively we were pretty sharp,” suma ni coach Black ng Bolts, diniyeta ang kalaban sa napakababang output mula sa average na 97 points bago ang tipoff. “Offensively, we have a little bit of work to do, but I’m happy with our defense.”

Sa free throws ni newly-crowned PBA All-Star slam dunk king Newsome sa final 56 seconds ay nilista ng Meralco ang biggest lead sa game, 80-62.

May 16-16 si Jameel McKay sa Phoenix, ang 10 lang ni Cyrus Baguio ang nakaayuda sa kanya.

Malaking butas sa Fuel Masters ang pagkawala ng kamador na rookie na si Matthew Wright na pinahiram sa Gilas Pilipinas na sasabak sa SEABA Men’s Championshp sa May 12-18 sa Big Dome rin.

Luminaw pa ang paghahabol ng Blackwater sa playoffs race nang biktimahin ang NLEX, 104-98, sa first game. Angat sa 2-6 ang Elite, pero kailangang ipanalo ang huling tatlong laro kontra Mahindra sa Linggo, Ginebra (May 25) at San Miguel Beer (May 31) para humabol sa next round.