Mga laro ngayon (Smart-Araneta Coliseum)
4:30 p.m. — GlobalPort vs. Mahindra
6:45 p.m. — Ginebra vs. TNT

Magkabuntot lang ang Ginebra at TNT KaTropa sa standings ng PBA Commissioner’s Cup, sa main game mamaya sa Smart Araneta Coliseum ay susubukan ng Gin Kings na balyahin sa puwesto ang Texters.

May apat na panalo kontra isang talo ang TNT, humihinga sa kanilang batok ang Gin Kings (3-1).

Aminado si coach Tim Cone na mahihirapan sila sa Texters, lalo’t magkasalu­ngat silang dalawa ng estilo ng laro.

“It’s always a tough matchup for us against TNT because they are polar ­opposites to us in terms of style of play,” wika ni Cone. “So it really comes down to who can play their game and that’s tough because it is very hard to disrupt what TNT does.”

Ang solusyon ni Cone: sundin ang gameplan.

“We’ll try to stay disciplined in what we do and see how it goes,” giit ng coach.

Samantala, tuloy ang pamamayagpag ng San Miguel Beer matapos idagdag sa mga biktima ang Rain or Shine, 111-98, kagabi sa Mall of Asia Arena.

Tumikada si Charles Rhodes ng 26 puntos, nag-ambag si Gabby Espinas ng 15, may tig-14 points sina Alex Cabagnot at three-time MVP June Mar Fajardo at tinungga ng Beermen ang limang sunod na panalo sa gayunding dami ng laro para manatili sa tuktok ng standings. Bagsak sa 4-3 ang defending champion Rain or Shine.

Sa first game, nagkasa ng 16-2 run sa bukana ng fourth quarter ang Star para kumpletuhin ang come-from-­behind 96-90 win laban sa Blackwater.

May 17 points at 15 rebounds si Tony Mitchell para ihatid ang Hotshots sa 5-2. Hindi nasundan ng Elite ang kaisa-­isang panalo sa pitong laro.