PBA: Focused sa ‘D’

Pba Meralco Norman Black

Mataas ang marka ni Norman Black sa kanyang Meralco Bolts sa itinatakbo ng laro pagkatapos ng apat na salang sa PBA Governors Cup.

Mag-isa na sa tuktok ng standings ang Bolts, apat na panalo sa apat na laro.

Huling kinuryente ng Meralco ang Kia 112-97 noong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.

Misyon ni Black na muling ihatid ang Bolts sa finals. Nakarating sila doon noong nakaraang edisyon ng torneo pero kinapos sa Ginebra.

Siyempre, playoffs muna bago finals. Base sa resulta ng first two conferences ng season na may 11-game eliminations din, apat na ‘W’ ang kailangan para makahabol sa quarterfinals.

Pero hindi tulad sa Philippine at Commissioner’s Cups, ang top four teams sa Governors ay twice-to-beat sa quarters sa halip na top two lang.

Base sa Picanto game, nakikita ni Black na handa ang kanyang team.

“I thought the team just really homed in and really focused on their defense in the first half,” puna ni Black. “We did relax a little bit in the third and fourth quarters once we got a big lead but for the most part I think we played very, very well today.”

Malaking bagay sa angas ng depensa ng Bolts si reigning Best Import Allen Durham na kontra Kia ay nagsumite ng 25 points sa 15 shots lang, nagbaba ng 11 rebounds at namigay ng 13 assists. Nag-ambag ng 14 o higit pa sina Chris Newsome, SEA Games-bound Baser Amer at Garvo Lanete.

Pangalawang triple-double na sana iyon ni Durham kundi lang kinapos ng isang feed sa tournament opener ng Bolts kontra Gin Kings noong July 23. Binigay sa kanya ni Black ang kredito, pero sumalag agad ang import.

“It’s kinda nice, cool,” ani Durham. “But I can’t take the credit for it. The guys gotta knock down the shots for the assists, and everything like that.”

Para kay Durham, kailangan ding hindi mawala sa focus ang buong team lalo sa game plan.

“Once we just get rolling, we’re gonna be a tough team to beat. We all try to focus on defense, that’s where we want to focus on the most and to get out strong and run and stuff like that.”