Naitakas ng mga underdogs ang panalo kontra mga liyamadong karibal sa PBA Governors Cup sa Smart Araneta Coliseum kagabi.

Unang iwinasiwas ng Rain or Shine ang Star 92-88, bago sinorpresa ng NLEX ang San Miguel Beer 103-100 sa second game.

Ibinaon ni Larry Fonacier ang pamatay na 3-pointer para ilayo ang Road Warriors sa tatlo, bago binulabog si Alex Cabagnot sa kabila habang paubos ang oras.

Angat sa 6-2 ang NLEX na naniguro ng puwesto sa quarterfinals, laglag sa 3-2 ang Beermen.

Pinangunahan ng 26 points ni Aaron Fuller ang Road Warriors, may 17 si JR Quinahan at tumapos si Fonacier ng 16.

“Parang mahirap makapaniwala, tinalo namin ang San Miguel in a game down the stretch,” lahad ni NLEX coach Yeng Guiao.

Nagsumite si J’Nathan Bullock ng 18 points at 11 rebounds, matikas din ang pinakita nina Jericho Cruz at mga back-to-work na Gilas Pilipinas players­ na sina Gabe Norwood at Raymond Almazan para ihatid ang Elasto Painters sa pangatlong sunod na panalo at 4-2 overall.

Pagkatapos ng limang laro nga­yong season, tinalo din ng E-Painters ang Hotshots.

“Akala ko hindi na namin sila mata­talo this season,” bulalas ni RoS coach Caloy Garcia. “It was all defense, star­ting in the first half. The energy was there, the effort was there.”

Lumamang ng hanggang 20 ang Painters sa third bago sinalag ang late-game rally ng Star. Wala pa sa Rain or Shine si big man Beau Belga na suspendido ng isang laro.

Si Malcolm Hill ang sinubukang igapos ng depensa ng Painters sa pangunguna ni Norwood, pero tumapos pa rin ng 26 points at 20 rebounds sa Hotshots na nakalsuhan ang four-game start sa season-ending conference, sa 4-1 ay kabuhol ang Ginebra sa second.

Off the bench ay nagsumite si Cruz ng 18 points, tumapos si Norwood ng 15 points at 11 rebounds, may 13 at 14 si Almazan kahit may flu-like symptom.