Umariba sa fourth quarter ang Ginebra para ipagpag ang makulit na Blackwater, 96-82, sa dayo ng PBA Commissioner’s Cup sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna kagabi.
Tinagay ng Gin Kings ang pampitong panalo kontra 2 talo para solohin ang No. 2 spot sa likod ng nangungunang Star (8-2).
Nakasiguro na sa next round, tumibay din ang tsansa ng team ni coach Tim Cone na manatili sa top two para makuha ang isa sa twice-to-beat incentive pagdating ng quarterfinals. Ang top eight lang ang aabante sa next round.
Sa kabilang banda, sadsad ang Elite sa 2-8 at nasipa na sa kontensiyon, kasama ng NLEX (1-9).
Pinangunahan nina Justin Brownlee at LA Tenorio ang arangkada ng Gin Kings nang kumawala sa dulo ng third quarter, at itinuloy hanggang final canto.
Tumabo si Brownlee ng 35 points, 14 rebounds, five assists at tig-isang steal at block, may 17 points, seven rebounds at five assists si Tenorio. Nagdagdag pa si Japeth Aguilar ng 15 points at six boards para sa Ginebra.
Pinangunahan ng 37 points ni Greg Smith ang Elite.
Sa first game, tumabo si Terrence Romeo ng 26 points, five rebounds at seven assists para itulak ang GlobalPort sa 107-101 panalo kontra defending champion Rain or Shine.
Ito ang unang laro ni Romeo sa Batang Pier matapos ang tour of duty sa Gilas na nagkampeon sa SEABA Men’s Championship sa Smart Araneta Coliseum kamakailan.
Nalusaw pa ang 16-point lead na naipundar ng GlobalPort, naiwan ng walo sa final period bago umeksena si Romeo nang ilista ang 10 sa huling 16 points ng team tampok ang back-to-back 3-pointers sa dulo.
Angat sa 4-6 ang GlobalPort, nakibuhol sa Phoenix sa seventh. Hindi natinag sa sixth ang Elasto Painters (5-5).