Laro ngayon (Batangas City Coliseum)
5:00 p.m. — Rain or Shine vs. Star
Lubhang ininda ng San Miguel Beer ang pagliban ni June Mar Fajardo, nadungisan ang dating walang talong Beermen nang yumuko sa TNT KaTropa, 112-103, sa Smart Araneta Coliseum kagabi.
Laglag sa 5-1 ang SMB, kinontak ng Texters ang pang-anim na panalo kontra dalawang talo sa PBA Commissioner’s Cup.
Tumabo si Donte Greene ng 41 points, may 15 si Kelly Williams at 14 kay Larry Fonacier sa TNT.
Nawalan ng saysay ang 43 points ni Charles Rhodes at tig-17 nina Chris Ross at Marcio Lassiter sa SMB.
Ipinahiram ng Beermen si Fajardo sa Gilas 5.0 na naghahanda para sumabak sa SEABA Championship. Nag-a-average ng 14 points, 7.8 rebounds bukod sa paghatak sa depensa ng kalaban sa shaded lane lalo kung kasabay sa loob si Rhodes.
Posibleng makabalik si Fajardo sa laro ng Beermen kontra NLEX sa May 19, pagkatapos ng SEABA tilt sa May 12-18.
Sa first game, umahon mula 15-point deficit sa third ang Phoenix para lunurin ang GlobalPort, 84-72. Kumapit sa eighth ang Fuel Masters sa 4-5, lublob sa ninth sa 2-6 ang Batang Pier.