PBA: KEEPING THE FAITH

Nash-Racela

Finals Game 1 sa Miyerkules (Smart Araneta­ Coliseum)
7:00 p.m. — SMB vs. TNT

Tumapak sa Game 4 ng semifinals ng PBA Commissioner’s Cup si TNT KaTropa coach Nash Racela na puno ng pananampalataya at tiwala.

Armado siya ng berso mula sa Bibliya, hindi rin nawala ang sampalataya niya sa ace guard niyang si Jayson Castro.

At ang resulta: Biyaheng Finals si Racela at ang Texters laban sa San Miguel Beer.

Kinalos ng TNT ang Ginebra 3-1 sa best-of-five series, huli ang pangsarang 122-109 victory noong Sabado sa Cuneta Astrodome.

Sinuklian ni Castro ang tiwala ng coach niya sa isinumiteng career-high-tying 33 points may panahog pang seven assists. Si import Joshua Smith na ­inabot ng foot injury, galing sa bench para mag-­deliver ng 18 points. Hindi rin matatawaran ang importanteng kontribusyon nina RR Garcia, Kelly Williams at Roger Pogoy.

Nash-Racela
FIRST TIME — Si coach Nash Racela habang minamanduhan ang kanyang TNT KaTropa. Kinalos­ ng Texters ang Ginebra, 3-1, sa semis ng PBA Commissioner’s Cup at sa unang pagkakataon ay ­sampa sa Finals si Racela bilang head coach. (Patrick Adalin)

Naniniwala si Racela sa Divine intervention kaya ngayon ay nasa unang championship appearance na siya bilang head coach sa pangalawang conference niya sa TNT.

“The whole game, I had this with,” ani Racela sa postgame press conference, pinakita ang kanyang notes. “There are just two things: No. 1, ‘Not the numbers that matter, but the Lord’s hand in favor of us.’ I know we’re going to this game facing a Ginebra crowd, and lahat nu’ng favor is on them. But it’s the Lord’s favor that matters.”

Focus at composure daw ang sinandalan ng Texters.

“(It) says here, ‘In the Lord’s presence, there’s fullness of joy,’” dagdag ng coach. “The whole game, especially when Ginebra (was) making a run in the third quarter, that’s all that I was thinking. I know it’s ­always the Lord that has control of everything.

“And in the end, we survived Ginebra.”

Hindi nawala ang tiwala ni Racela kay Castro, bago ang laro ay nag-a-average lang ng 7.7 points, 5.7 assists at 3.3 rebounds sa first three games. Sa Game 4, tumira siya ng 13 of 21 sa field, 5 of 8 sa labas ng arc. Hindi na-sweep ng Texters ang serye nang makaisa ang Gin Kings, 125-101, sa Game 3 noong Huwebes.

“I was telling you after Game 1, you expect Jay­son to explode. We didn’t get that in Games 2 and 3,” lahad pa ni Racela. “But today, he did.”

Tiwala si Racela na magko-contribute si Castro, bumaba man ang puntos ay dumadami ang assists at rebounds.

Para kay Castro, para-paraan lang sa adjustment at mindset.

“For three games, sobrang tight ng defense nila. Defensively, meron sila sa akin. So going into Game 4, parang ‘yung mindset ko is to be aggressive na lang. kapag tina-trap nila ako, or ‘yung may help (defense), that’s the time na hanapin ko ‘yung teammates ko,” salo ni Castro.

Sa 17-1 run ng TNT sa kalagitnaan ng fourth, 10 rito ang nilista ni Castro at walo mula sa total 14 points ang kinamada ni Williams. Binaliktad doon ng Texters ang three-point deficit tungo sa 120-107, at hindi na lumingon.