PBA: KINUMPLETO NG TNT

Talsik si Kelly Williams (21) ng TNT nang makaldag ng pasagasa sa ­basket na si Alex Stepheson (33) ng Meralco. Nanalo ang KaTropa sa ­overtime 104-96 para umusad sa semis ng PBA Commissioner’s Cup ­kontra Ginebra. (Patrick Adalin)

Laro ngayon (Smart Araneta Coliseum)
5:00 p.m. — Star vs. SMB

Nangailangan pa ng extra 5 minutes ang TNT KaTropa bago sinipa ang Meralco, 104-96, sa deciding Game 3 ng PBA Commissioner’s Cup quar­ter­finals sa Smart Ara­neta Coliseum kagabi.

Kinontak ng ­KaTropa ang huling ticket para kumpletuhin ang cast ng semifinals, haharapin sa best-of-five series ang top seed Ginebra umpisa sa Linggo sa Mall of Asia Arena.

Dinaan lang ng twice-to-beat Gin Kings sa isang bigwasan lang ang nakatapat sa quarters na GlobalPort noong June 6.

Nagsumite ng tig-31 points sina Jayson Castro at Joshua Smith para balikatin ang TNT ni coach Nash Racela. Nagdagdag ng 13 si RR Pogoy.

Muling nangalabaw sa paint si Smith na hu­mablot ng 27 rebounds.

Sa dulo ng regulation, pagkatapos ng last timeout ay inbounds si Chris Newsome para sa Bolts pero walang mapasahan­ kaya napilitang patamain ang bola sa paa ni Smith kaya lang ay nakuha ni Castro ang bola at na-foul. Split ang free throws ni Castro para ibuhol ang iskor sa 89-all at malayo na sa target ang huling pukol ni Jared Dillinger.

“As a coach, you can’t really give up early,”­ pahayag ni Racela patungkol sa paghahabol ng TNT sa second at third quarters. “We were down and we had a turnover before that play (Meralco error sa dulo ng regulation), but we just told them not to give up.”

May 15 points at 12 rebounds si Alex Stepheson para sa Meralco, pero fouled out 2:38 pa sa OT.

Samantala, babasagin­ ng San Miguel Beer at Star ang sariling serye sa semis mamaya sa Big Dome din.

“Clash of the ­Titans. I feel like whoever’s gonna win this series is gonna win the title so it’s gonna be a real intense series,” komento ni Beermen import Charles Rhodes.

Hula ng kanyang counterpart sa Hotshots na si Ricardo Ratliffe: “Five games.”