PBA: LOADED!

Christian Standhardinger

Maliban sa napaulat na pagliban ni Bobby Ray Parks, loaded ng talents ang Fil-foreign ballers na kabilang sa batch 2017 ng PBA Draft sa October 29 sa Robinsons Place sa Ermita.

Pangungunahan ni Fil-German Christian Standhardinger ang Fil-foreigners na magbabaka-sakaling matapik sa pro league.

Naging instant celebrity si 6-foot-7 Standhardinger, 28, nang kabiliban ng Filipinos ang kayod-marino niyang laro nang mapasama sa Gilas Pilipinas ni coach Chot Reyes na sumabak sa Jones Cup at sa FIBA Asia Cup sa Lebanon, bago humabol para ayudahan ang Nationals ni coach Jong Uichico na nag-kampeon sa Southeast Asian Games sa Malaysia nitong nakaraang buwan.

Isinumite ni Standhardinger ang application niya sa draft sa pamamagitan ng e-mail kay PBA commissioner Chito Narvasa sa deadline ng Fil-foreing applicants nitong Sept. 4, Lunes.

Hindi rin matatawaran ang tikas nina Fil-Americans Jason Perkins at Davon Potts, at Fil-Swede Andreas Cahilig. Mahalagang instrumento si Cahilig sa sweep ng Cignal Hawkeyes sa PBA D-League Aspirants Cup at Foundation Cup titles.

Nagpalista rin sina Fil-Ams Roberth Herndon at Julian Sargent, Fil-Israeli Felix Apreku, at Fil-Canadian Zachary Nichols.

Ang dating two-time UAAP MVP na si Parks, hindi pa raw muna sasali sa Draft ngayong taon. Magko-concentrate daw muna siya sa Alab Pilipinas na naglalaro sa ASEAN Basketball League, at sa Gilas Pilipinas.

“I’m not in this year’s draft,” pahayag ni Parks pagkatapos parangalan ng PBA ang Gilas sa halftime ng Ginebra-Star game nitong Linggo sa Smart Araneta Coliseum, ayon sa ulat ng SPIN.ph.

Deadline ng application ng local-born aspirants sa Oct. 12.