Pinakawalan ng Rain or Shine Elasto Painters ang isa sa pamato nilang si Jeff Chan, nagpalit ng import at isa pang player ang binitawan para matumbok ang pangangailangan ng team sa kasalukuyan.
Pinamigay si veteran gunner Chan sa Phoenix kapalit ni Mark Borboran para mapunan ang babakantehin nina Gabe Norwood at Raymond Almazan, at sa season-ending knee injury ni Jay Washington. Tinapik din si J’Nathan Bullock pamalit kay JD Weatherspoon.
Disente ang average ni Weatherspoon na 21.3 points at 14.67 rebounds, pero wala ang leadership sa loob, hindi kinakausap ang locals. Matapos ipanalo ang unang match ay tumikim ng back-to-back losses ang E-Painters, inaasahang ibabawi sila ni 6-foot-5, 240-lb Bullock.
Kasama sina Norwood at Almazan sa Gilas team na umalis noong Linggo pa-Lebanon para sumabak sa FIBA Asia Cup. Hindi nakalaro si Washington sa dalawang huling outing.
“Letting Jeff go is really hard for us, but we had to do it kasi nawala si Gabe, nawala si Raymond and J-Wash is injured,” paliwanag ni E-Painters coach Caloy Garcia. “Kaya we need another rebounder siguro.”
Ini-explore ng RoS ang ibang option, pero lumabas si Borboran dahil may tira rin ito sa labas. Ayon kay Garcia, naghahanap sila ng stretch-4 at puwedeng lumaro sa 4 si Borboran.
Iti-trade din ng Rain or Shine si Mike Tolomia sa Meralco kapalit ni Ed Daquioag. Ang papers ng Chan-Borboran at Tolomia-Daquioag trades ay nasa opisina na ni Commissioner Chito Narvasa at aaprubahan na lang. Pumunta rin ng Lebanon si Narvasa.
Tiwala ang coach na mabibigyan ng mas mahabang minuto si Chan sa Phoenix.
“Siyempre, him and James (Yap) are playing the same (2-guard) position so it becomes a hard decision for me to use both of them na sabay,” dagdag ni Garcia.
Hindi rin daw ma-maximize ni Garcia ang laro ni Tolomia na busy din sa Gilas para sa SEA Games. Nakitaan din ng potensiyal si Jeremy King kaya ikinasa ang trade.
“We will have two-guards, nandoon si Jericho (Cruz) and Daquioag, Chris (Tiu) can play 1 or 2, Maverick (Ahanmisi) can play 1 or 2, so mas madali na siguro ikutin mga players,” dagdag ni Garcia.
Unang masusubok kung maganda ang make-over sa pagharap ng Rain or Shine sa Kia sa Linggo, bago mapiga sa susunod na tatlong laro kontra heavyweights TNT KaTropa, Star at San Miguel Beer.