PBA: Painters lango sa locals ng Beer

Hindi tinigilan ni Arwind Santos (29) ng San Miguel Beer ang pambubulabog kay import J’Nathan Bullock (4) ng Rain or Shine. Nag-all-Filipino ang Beermen sa fourth at ipinagpag ang E-Painters, 103-96. (Patrick Adalin)

Nag-all-Filipino si coach Leo Austria sa fourth quarter, pero lalo lang umangas ang kanyang San Miguel Beer nang ibagsak ang Rain or Shine, 103-96, sa nightcap ng PBA ­Governors Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Sa first game, pinalakas pa ng TNT KaTropa ang kapit sa top four at makapindot ng bonus nang itumba ang sister team Meralco, 113-107.

Sa 5-3 card, nasa fourth na ang TNT sa likod ng biktimang Bolts (5-2), NLEX (7-2) at leader Ginebra (6-1). Twice-to-beat ang top four teams sa quarterfinals pagkatapos ng 11-game eliminations.

Kumayod si import Glen Rice ng 32 points at 11 rebounds, nag-ambag si Jayson Castro ng 27 markers sa KaTropa.

Iniupo na lang ni Austria ang import niyang si Terik Bridgeman na matamlay pa rin sa pangalawang laro. Sumalang si Bridgeman sa limitadong 15 minutes, 23 seconds, at tumapos ng katiting na four points sa 2 of 9 shooting, nagbaba ng four rebounds at may two turnovers.

Bago ang laro ay nagbalak pa raw ang Beermen na magpalit na ng import, pero isinalang pa rin si Bridgeman.

“We really needed this win. Na-relieve ‘yung team, kasi we can’t afford three straight losses,” bulalas ni Austria.

Nakalsuhan ang two-game skid ng SMB at tinablahan sa 4-3 ang biktimang Elasto Painters na napigil din sa tatlo ang win streak.

Hindi nagawang dominahin ni E-Painters import J’Nathan Bullock ang all-Filipino Beermen sa fourth.

Si Chris Ross ang rumesponde sa Beer sa kinamadang 27 points, may 22 si Marcio Lassiter. Tumapos si June Mar Fajardo­ ng 17 points at 14 rebounds, may 18 pa si Arwind Santos.

Umagwat ang SMB, 55-39, papasok sa break, pero naibaba­ ng Painters, 75-70, pagkatapos ng three.