PBA: Painters taob sa Star

Mga laro ngayon­ (Smart Araneta Coliseum)­
4:30 p.m. — Blackwater vs. Mahindra
6:45 p.m. — Ginebra vs. Alaska

Wala sina injured Marc Pingris at pinahiram muna sa Gilas sina Allein Maliksi at Jio Jalalon, nasolusyunan ni Chito Victolero ang kakulangan ng Star sa tao nang dominahin ang defending champion Rain or Shine, 99-93, kagabi sa Petron Blaze Saturday Special sa Batangas City Coliseum.

Kuminang si Tony Mitchel ng 21 points kabilang ang putback slamdunk na halos magbagsak sa rim, may 23 points si Paul Lee para ibuhol ang Hotshots sa TNT KaTropa sa 6-2, nasa fourth spot ng PBA Commissioner’s Cup.

Wala rin sa Elasto Painters (4-4) si Raymond Almazan na kasama rin sa national team na sasabak sa SEABA sa May 12-18.

Samantala, tuloy ang balasa ni NLEX general­ manager at concurrent coach Yeng Guiao nang sumalang sa pangalawang­ trade sa magkasunod na araw lang.

Pinakawalan ng Road Warriors sina Sean Anthony, Bradwyn Guinto at Garvo Lanete para kina Larry Fonacier ng TNT KaTropa at JR Quinahan ng GlobalPort.

Nag-umpisa ang swap sa paghugot ng NLEX kay Quinahan kapalit ni Lanete na ipinasa rin agad ng Batang Pier sa Meralco para kay Jonathan Grey.

Ibinigay ng GlobalPort si Anthony Seme­rad sa Texters para kay Fonacier na pinatawid sa NLEX kapalit nina Anthony at Guinto.

Noon lang Byernes, ni-release ni Guiao sina Eric Camson at Glenn Khobuntin para makuha si Alex Mallari ng Mahindra. Aprubado na lahat ang mga ito kay PBA Commissioner Chito Narvasa. (Ramil Cruz