Mga laro ngayon (MOA Arena)
4:30 p.m. — Mahindra vs. Phoenix
6:45 p.m. — SMB vs. Ginebra
Pare-parehong masasaya at taas ang mga noong pumasok sa Ibalong Centrum for Recreation sa Legazpi City kahapon sina Jayson Castro, Roger Pogoy at Troy Rosario ng TNT KaTropa, at si Calvin Abueva ng Alaska.
Pero pagdilim, gayunding lumabas ang tatlo samantalang kuyumos na ang mukha at nakatungo pa si Abueva.
Nakaahon pa ang Texters mula sa opening period 17 points down para timbugin ang Aces, 119-100, sa PBA Commissioner’s Cup.
Katatapos lang ng tour of duty ng apat sa Gilas Pilipinas na tagumpay na winalis ang mga nakatapat tungo sa gold medal finish sa SEABA Men’s Championship noong May 12-18 sa Smart Araneta Coliseum.
Tinimunan ni Castro ang bench sa binalandrang 20 points, 7 assists at 5 rebounds, naka-12 si Pogoyat may pitong puntos si Rosario. May 13 markers pa si RR Garcia para sa Texters, napaypayan ang paghahabol sa top two finish na may twice-to-beat bonus sa quarters.
Sa kanyang debut sa TNT, nagsalansan si Joshua Smith ng 23 points at 10 rebounds at umangat ang Texters sa 7-3.
Nakakuha ang Aces ng 29 at 7 mula kay Corey Jefferson.
Nakatapos si Abueva ng 11 points at 7 rebounds sa likuran ng 17 na si Vic Manuel at 16 ni JVee Casio para sa Aces na humaba pa ang paggulong sa pang-apat na kabit tapos ng 4-0 start at natengga sa sixth.
Layup ni Jaypee Mendoza 54 seconds na lang ng first period ang nagpabentahe sa Aces ng 36-19, lumayo ulit sa 90-75 sa jumper ni Jake Pascual bago nanibasib ang Texters.