Tinarak ng Blackwater ang unang winning streak matapos takasan sa ga-buhok na 107-106 decision ang NLEX kagabi sa second game ng PBA Governors’ Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Sinandalan ng Elite ang nagliliyab na opensa ni Roi Sumang para ilista ang pangalawang sunod na panalo pagkatapos umpisahan ang season-ending conference sa tatlong talo.
Laglag sa 5-2 ang Road Warriors.

Kumayod si Sumang ng career-high 32 points, 17 sa second quarter.

Hindi naman nagpadaig ang import ng Elite na si Henry Walker na nagsalansan ng 29 points, 15 rebounds at six assists, pero biggest play niya nang butatain si JR Quiñahan sa dulo para ipreserba ang panalo.

Nagkaroon pa ng huling tsansa ang NLEX subalit nagmintis si Larry Fonacier.

“Everything is on the next level. Their attitude, their confidence, the togetherness of the players, everything is on the next level,” ani head coach Leo Isaac. “We hope we can continue going up so we can sustain our mini two-game run.”

May 18 points pa si Mike Digregorio sa Blackwater.

Sa unang sultada, nagwagi ang Meralco Bolts laban sa Phoenix Fuel Masters 107-104.

Umarangkada si import Allen Durham ng all-around performance matapos ilista ang 33 points, 16 boards at seven assists para sa Meralco na may 5-1 card.