Pumanaw na ang ­alamat ng PBA na si Hall of Famer Danny Florencio sa edad na 70.

Binawian ng buhay si Florencio sa US nitong Linggo, apat na araw matapos atakehin.

Bilang pagkilala sa 5-foot-10 guard na kila­lang scoring machine noong kapanahunan sa PBA, sinabi ni Commissioner Willie Marcial na magkakaroon ng moment of silence para kay Florencio sa susunod na game sa Miyerkoles sa MOA Arena.

Saludo si Marcial sa kakayahan ni Florencio.

“At his finest, pasok siya sa top five ko,” anang Commissioner.

Pinunto ni Marcial na noong panahon ni Flo­rencio sa Toyota, kahit pababa na ang career ay naroon pa rin ang kanyang moves.

“Biruin mong nasa kaliwa siya, kaya niyang pihitin ang katawan niya sa ere para tumira sa kanan,” aniya.

Noong 2000, kasama si Florencio sa 25 Grea­test Players na kinilala ng PBA at na-induct sa Hall of Fame noong 2007.

Naglaro si Florencio sa UST, sa national team, napunta sa YCO at Crispa sa MICAA, sa 7-Up at Toyota, bago tinapos ang PBA career sa Galerie Dominique noong 1983.

Sa 7-Up noong 1977, nag-average si Florencio ng nakakalulang 32.3 points per game – record na hindi pa nabubura hanggang ngayon. Sa buong career, apat na beses umiskor si Florencio ng 50 o higit pa isa isang laro.

Dalawang beses na­ging Olympian si Flo­rencio, sa 1968 Mexico Games ay 1972 Munich.

Noong 1981, na­ging pangsiyam na player siyang umabot sa 5,000-point club. (Vladi Eduarte)