PBA vs MPBL na

Sa bagong rule ng Maharlika Pilipinas Basketball League, ‘di na basta-basta makakatawid ang kanilang mga manlalaro sa professional league na PBA (Philippine Basketball Association).

Klarong nakasaad sa memo na inilabas nitong Agosto 21 na tanging sa 44-year-old PBA lang ang sinaad na ligang bawal paglipatan ng kanilang mga manlalalro.

“In order to prevent any forms of disruption to the ongoing 3rd MPBL Lakan Cup 2019 NO TEAM is hereby allowed to transfer or release their players to the PBA while the present MPBL conference is on-going,” saad sa memo.

Sa social media ay may tanong si Charles Tiu kung binabangga na ba ng semi-pro league ang PBA, na kung titingnan ay may pinaghuhugutan.

‘Di naman kaila na ang PBA pa rin ang ‘dream destination’ ng bawat Pinoy cager na siniseryoso ang basketball, ang ibang liga ay nagsisilbing stepping stone lang para sa mga basketbolista.

Kabilang na dito ang MPBL, na kung titingnan ay ilan sa mga PBA player ngayon, maging si Bobby Ray Parks, ay nakatungtong sa semi-pro league.

Sina Bong Galanza naman at Philip Paniamogan naman ay mga dating MPBL player na gumawa ng pangalan, tapos ay nasungkit muli sa PBA at naging key player na rin sa kanilang mga koponan.

Ngunit ‘di rin naman dapat balewalain ang mga naitulong ng MPBL sa mga manlalaro, ang ibang pro player tulad nina Mac Cardona, Eloy Poligrates, Mark Yee at maging ang naging PBA MVP na si Jayjay Helterbrand ay nagkaroon ng bagong pagkakaabalahan dahil sa grassroot league.

Depensa rin ng MPBL na pinoprotektahan lang nila ang interes ng 31 koponan na nagpakahirap sa buong season, posibleng masira lang dahil sa biglang paglipat ng mga manlalaro, tulad ng nangyari dati sa Mandaluyong Tigers na nasa top spot ngunit biglang nag-alsabalutan ang mga manlalaro.

Mahirap timbangin kung tama ba ang desisyon ng MPBL, may ilang mangingilag dahil nais lang naman ng mga player ng mas maayos na kabuhayan o mas mataas na sahod, habang ang semi-pro league ay kailangan ding protektahan ang kanilang interes.