Sinuyod ni Sol Mercado (3) ng Ginebra ang depensa ni Anthony Se­merad (14) ng TNT sa Game 4 ng Commissioner’s Cup kagabi. Sinipa ng Texters ang Gin Kings 122-109 para pumalaot sa Finals laban sa San Miguel Beer. (Jhay Jalbuna)

Hindi pumayag ang TNT KaTropa na maging all-SMC ang finals ng PBA Commissioner’s Cup.

Sinipa ng KaTropa ang eliminations topnotcher Ginebra 122-109 sa Cuneta Astrodome kagabi para tapusin ang best-of-five semifinals series sa 3-1 para hamunin sa race-to-four championship ang naghihintay nang San Miguel Beer.

Ang sister-teams sa San Miguel Corporation na Gin Kings at Beermen ang nagtagpo sa finale ng Philippine Cup na pinagharian ng SMB. Ang isa pang kasukob nila sa SMC na Star ang nakasagupa at sinipa sa apat na laro ng Beermen sa isa pang semis pairing.

Pinangunahan nina Kelly Williams at Jayson Castro ang finishing kick na 19-3 blitz ng TNT mula sa final 7:30 para kalasan ang Gins.

Game 1 ng TNT-SMB finals sa June 21 sa Smart Araneta Coliseum.

Si Mike Myers na ang ipaparada ng Texters sa finals kapalit ni Joshua Smith na inabot ng right foot injury nang matalo sila noong Game 3. Naglaro pa rin si Smith kagabi at tumapos ng 18 points, five rebounds, two assists at one block sa loob ng 21 mi­nutes.

Nag-all-Filipino na ang Texters mula sa last 6 ½ minutes nang ilabas ni coach Nash Racela si Smith, binalikat nina Castro at Williams ang atake na su­malag sa tangkang rally ng Gin Kings.

Tumapos si Castro ng game-high 38 points sa 13 of 21 shooting, 11 assists, seven rebounds at two steals, huli nang nakawan si Ginebra import Justin Brownlee pagbalik mula sa timeout ng crowd favorites na nag-resulta sa fastbreak at 118-107 lead kulang 3 minutes na lang.

“Lahat nu’ng favor is on them, but I know the Lord’s favor that matters,” bulalas ni Racela na bibiyahe sa una niyang Finals bilang head coach. “Our focus and composure really helped us today.”

Nasa 17th finals appearance ang TNT, pang-anim sa midseason tournament pero una sapul noong 2015 nang mag-kampeon sila sa parehong torneo.

Pinangunahan ng 31 points ni Japeth Aguilar ang Gin Kings, may 25 points at 15 rebounds si Brownlee, umayuda si LA Tenorio ng 20 points at 10 assists.