Nagpasalamat si PBB Party-list­ (Partido ng Bayan ang Bida) sa pagsasabatas ng Republic Act (RA) 11201 o ang Department of Human Settlements and Urban Development Act na aniya’y unang hakbang para masiguro ang ligtas at maayos na pabahay para sa bawat Pilipino.

Nilagdaan noong Pebrero 14, 2019, ang RA 11201 ay lumilikha sa Department of Human Settlements and Urban Development mula sa pinagsamang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB).

Magsisilbi ito bilang pangunahing ahensiya na magtataguyod ng mga polisiya hinggil sa pagtatayo ng mga pabahay, human settlement at magsusulong ng urban development.

Sa ilalim ng batas, ang ahensiyang ito ang siya ring mangangasiwa sa mga korporasyong may kinalaman sa pabahay gaya ng National Housing­ Authority, National Home Mortgage Finance Corporation, Home Development Mutual Fund, at ang Social Housing Finance Corporation.

“Pangarap ng bawat Pilipino ang magkaroon ng abot-kaya, maa­yos at ligtas na pabahay. Ang pagsa­sabatas ng RA 11201 na siyang lumilikha sa Department of Human Settlements and Urban Development ay unang hakbang para maisakatuparan ang pangarap ng bawat pamilyang Pilipino na umuwi sa isang tahanan na matatawag nilang kanila,” giit ni Atty. Imee Cruz PBB partylist nominee.

Bilang natatanging party-list na tunay na naglalayong ipaglaban ang karapatan ng bawat pamilyang Pilipino para sa abot-kaya at disenteng pabahay, ang PBB party-list ay sisiguraduhin ang epektibong implementasyon ng RA 11201 upang maisakatuparan ang isang tunay na komprehensibong socialized housing para sa kapakanan ng lahat.