Labing apat na katao ang isinugod sa pagamutan matapos makaranas ng pagkahilo at nerbiyos nang dumausdos pababa ang sinakyang elevator ng PBCOM Tower kamakalawa nang gabi sa Makati City.
Wala namang iniulat na malubhang nasugatan sa mga pasahero ng elevator maliban lamang sa pagkahilo at sobrang kaba matapos silang malapatan kaagad ng lunas sa Ospital ng Makati at Makati Medical Center.
Sa ngayon ay nakaratay pa sa Ospital ng Makati (OsMak) ang biktimang sina Ace Sierda, 28; Narciso Sermonia, 29; Perry Benig, 35; Randy Serda, 50 at Rowel Cristobal, 30.
Ginagamot naman sa Makati Medical Center (MMC) sina Chem Xin Guang 36; Tiou Chineng, 48; Daltray Reyes, 28; Hermino Samson, 29; Patrick Jayson Lacsaman, 36; Rolando Villarina, 56; John Carl Eraña, 25; Joseph Libre at Aristole De Vera, pawang nasa hustong gulang.
Sa report ni Senior Supt. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, alas-10:20 ng gabi nang maganap ang insidente nang sumakay sa ika-52 palapag ng PBCOM Tower sa no. 6795 Ayala Avenue, Brgy. Bel Air ang 28-katao sa service elevator ng gusali.
Maayos naman ang takbo ng elevator hanggang sa ika-47 palapag subalit mula rito ay bigla na itong bumulusok ng mabilis dahilan upang mag-panic na ang mga pasahero na tinangkang pindutin ang buton na magpapahinto rito.
Hindi naman tuluyang bumagsak ang elevator kundi naging abnormal lamang ang pagbulusok nito hanggang sa ground floor.
Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya ang nangyaring aberya bagama’t sa paunang pagsisiyasat ay overloading ang sanhi nito.
Ipinag-utos na rin ni Makati Mayor Abigail ‘Abby’ Binay sa Office of the Building Official (OBO) na magsagawa ng masusing pag-inspeksyon sa lahat ng mga elevator sa mga gusali sa lungsod upang matiyak na sila ay sumusunod sa mga safety requirement na nakasaad sa National Building Code of the Philippines.