Planong buhayin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Constabulary (PC) para makatulong sa laban kontra terorismo.

Ito ang sinabi ng Pangulo nang bumisita sa 10th Infantry Division ng Philippine Army sa Mawab, Compostela Valley kamakalawa.

“Gusto kong ibalik ‘yang Philippine Constabulary. Iyang pulis na ‘yan diyan na kayo kung saan kayo. But I will return the Philippine Constabulary,” pahayag ni Duterte.

Binigyang-diin pa ni Pangulong Duterte na ang pagbuhay sa PC ay makakapagpalakas sa kampanya­ ng pamahalaan kontra terorismo.

“Kasi kailangan ko ng tao doon sa urban terrorism like the SAF (Special Action Force), iyong mga bata,” dagdag ng Pangulo.

Bukod sa panlaban sa terorismo ang pagbuhay sa PC ay malaking tulong din umano ito sa kasalukuyang kampanya ng pamahalaan laban sa extremist groups gayundin sa illegal drug syndicates.

Umapela rin ang Pangulo sa mga sundalo na manindigan lamang sa kanilang mandato na protektahan ang integridad ng teritoryo ng bansa.

Matatandaang binuwag ni dating Pangulong Corazon Aquino ang PC dahil sa umano’y mga pang-aabusong naganap sa ilalim ng administrasyon ng pinatalsik na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

2 Responses