Sinusuportahan ng Philippine Competition Commission (PCC) ang paggamit ng mga motorsiko bilang public transportation lalo pa’t matagal nang kilala ang mga habal-habal na ginagamit ng marami noon pa sa mga liblib na lugar.
Sabi ng PCC, napapanahon ang panukala para sa motorcycle taxi dahil madadagdagan ang mapagpipiliang sasakyan ng mga commuter at magbubukas din ito ng mga pagkakataon para sa mga negosyante.
Ayon sa komisyon, kinikilala nito na lehitimo ang mga pag-aaral hinggil sa motorcycle taxi pati na ang mga layunin nito at kailangang lawakan ang pagtingin dito.
Suhestiyon ng PCC, tingnan ng Technical Working Group ang tinatawag na ‘multi-homing’ sa isinasagawang pag-aaral at ang epekto nito sa pagpapaganda ng kompetisyon sa motorcycle taxi.
Kapag multi-homing, makakapili ang mga driver kung saan nila iaalok ang kanilang mga serbisyo. Makakapili rin ang mga pasahero kung aling motorcycle ride-hailing app ang gagamitin. (Eileen Mencias)