PCCL: Ravena, Kouame binaon ang San Beda

Sa paghaharap ng mga hinirang na UAAP at NCAA champion team, nangibabaw ang mga agila kontra sa mga leon.

Pinakitaan ng Ateneo Blue Eagles ang San Beda Red Lions sa Game Three ng semis, 62-56, para umabante sa President’s Cup finals ng 2018 Phili­ppine Collegiate Champions­ League.

Tangan ng Ateneo ang 14 puntos na kalama­ngan tungo sa final canto, 51-37, ngunit naging malupit ang depensa ng San Beda.

Nabakuran sa pagpuntos ang Blue Eagles nang halos walong mi­nute, sinamantala naman ng Red Lions ang panunuyot na nagpakawala ng 18-4 scoring blitz para makatabla sa 55-all papasok sa huling dalawang minuto ng laro.

Dito na nagsimulang trumabaho ang Ateneo star na si Thirdy Ravena. Sa krusyal na sandal ng laban, tangan ng high-flying guard ang bola, biglang bumitaw ng tres na nagpaalagwa ng lamang sa lima, 61-56, 22.9 segundo na lang ang natira sa game clock.

Tumapos si Thirdy ng 14 points, limang rebounds at dalawang assists, samantalang nagpakitang-gilas naman ang Ateneo big man na si Angelo Kouame na may 13 puntos, 18 rebounds at walong blocks.

Dahil sa panalo, makakaharap ng Katipunan-based squad ang matikas na University of Visayas sa finals sa Enero 28, sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.